ANG ALAMAT NG ASONG MATAPAT
By: Rio Fabellore
"Dedicated to my Best Friend Thyler"
(photo: My Oldest Dog, Tatang Thyler, he just had a fried pittbull staffordshire for his dinner)Sa isang malayong lugar sa malapit sa hangganan ng kabukiran at kagubatan nakatira ang binantang taga-bantay ng Hangganan. Siya si Taji ang nagbabantay ng mga pag-aari sa kabukiran laban sa mga hayup na umaatake at kumakain ng halaman at mga inaalagaang hayup dito.
Si Taji, bamagama't taga-bantay, siya ay makatuwiran at pala-kaibigan sa lahat ng kaniyang nakikilala. Bukod sa tagubilin ng kaniyang panginoon, ang kaniyang pakiramdam din ang batayan ng kaniyang desisyon pagdating sa kaniyang tungkulin.
"Magandang hapon, Taji,. Maaari po bang tumawid papuntang bukid?" tanong ng mabangis na Ulupong.
"Dinaramdam ko, kaibigan, ngunit mahigpit ang bilin sa akin na di kayo maaraing magawi sa bukid. " paliwanag naman ni Taji.
"Akala ko ba'y kaibigan kita? Ano naman ang masama kung gagawi ako sa bukid?" tanong muli ng ulupong.
" Ang ginagawa ko'y para sa kabutihan mo rin, kaibigan. Ayokong mapahamak ka sa gitna ng bukid. Dahil bukod sa akin, nariyan ang anak ng may-ari na handang paslangin ka sa oras na makita ka. Kaya ikaw man ay binabantayan ko para na rin sa iyo." Wika ni Taji.
Galit na umalis ang ulupong at bumalik sa gubat.
Ilang oras ang nakalipas, ang masungit na anak naman ng may-ari ng bukirin ang lumapit sa bantay ng Hangganan.
"Alipin, ako ay tutungo sa kagubatan upang mangaso. Paraanin mo ako?" utos ni Bagdad.
"Ikinalulungkot ko, ngunit mahigpit ang utos ng aking pakiramdam na h'wag kang padaanin. Lubhang mapanganib sa gubat at galit ang mga hayup sa mga pumapaslang sa kanilang uri," paliwanag ni Taji
"Pagsisihan mo ang pag suway sa aking nais, alipin. Isusumbong kita sa aking ama." At saka umuwi ang galit ang si Bagdad.
Dumating at nagsi-alis ang lahat na nagtangkang pumasok sa bukid man o sa kagubatan. Ang unggoy, mangingisda, babo-ramo, agila, manlililok, mangangahoy, at iba pang nilalang, lahat sila ay nabigong kunin ang pahintulot ni Taji.
Lahat sila ay bigo na tawirin ang hangganan. Ang paliwanag ni Taji ay may kaniya-kaniyang hangganan ang bawat nilalang upang maiwasan ang di pagkakaunawaan at ang tukso na sirain ang pag-aari ng bawat isa.
Tanging ang mga bilin na sinambit ni Taji ang kanilang baon pabalik sa kanilang lugar, bukid man o gubat.
" Ang ginagawa ko ay para sa iyo rin naman, ang kaligtasan ninyo ang tunay kong binabantayan" ang madalas banggitin ni Taji sa mga mananawid.
Isang araw dumating sa kubol ni Taji ang panginoon ng bukirin. Wala si taji dahil nilalakad niya ang kahabaan ng Hangganan. Nakita ng panginoon ang sipag at kusang loob ni Taji sa kaniyang tungkulin. Maayos ang lahat at walang bahid ng anumang dapat ikabahala.
Ilang sandali pa ay dumating na si Taji.
"Magandang araw po panginoon. Sa aking, pagbabantay sa araw-araw Hanggang sa sandaling ito ay wala pong pag labag sa inyong tagubilin.Sana po ay nasiyahan kayo, " ani ni Taji.
" Lubos ang aking kasiyahan, Taji, At maging ang aking paboritong anak ay iningatan mo sa kabila ng kagaspangan ng kaniyang ugali. Labis mong tinanggihan ang iyong mga kaibigan sa gubat na makatawid dahil sa aking tagubilin. Sa kabila nito ay nanatiling kaibigan ka sa kanila," papuri ng panginoon.
"Nalalaman ko rin ang iyong layunin at matalinong katuwiran sa iyong bawat pagtanggi sa kanila, maaring magkaroon ka ng lihim na kaaway," wika pa niya.
"Ang paglilingkod at pagtupad sa inyong kautusan ang aking kasiyahan at dahilan ng pagkakalalang sa akin, panginoon. Tanging ang pagbabantay ng Hangganan aking mithiin at manatiling nasa ilalim ng iyong kasiyahan." Wika ni Taji.
"Ngunit paano ang sarili mong buhay? Hindi maaaring habang-buhay ay naririto ka sa amin at tumutupad ng aking tagubilin, palagay ko ay kayang gawin ito ng ibang nilalang sa bukid" ani ng Panginoon.
"Inilaan ko na ang aking buhay sa inyo at sa pagbabantay ng Hangganan upang maging ligtas lahat na nilalang. Anuman ang nais ninyong maging direksyon ng aking buhay ay tatanggapin ko, huwag lamang pong ilayo sa aking tungkulin na batayan ko kayo at ang Hangganan," hiling ni Taji.
" Kung ganun, maliit ang iyong kahilingan kung ihahambing sa laki ng iyong nagawa at nailaan. Pagbibigyan kita, anuman ang mangyari at anuman ang iyong kakulangan ay mapupunuan sa susunod mong buhay, " bitiw na pangako ng panginoon kay Taji.
Lumipas pa ang ilang kabilugan ng buwan, naroon pa rin sa Taji. Ngunit lahat ay tila naghihitay ng pagkakataon upang labagin ang batas ng hangganan. Nakita ng mabangis na Ulupong si Taji na natutulog at nagpapahinga mula sa maghapong pagbabantay.
"Ikaw lang ang tanging sagabal sa aming daraanan patungong Hangganan, dapat sa iyo ay mawala na sa aming landas," wika ni Ulupong sa kaniyang sarili.
"Sa bangis ng aking kamandag, ang tulad mong patulog-tulog ay tuluyan nang di magigising he he he he he he…" ani pa ni Ulupong.
Agad niyang sinalakay at tinuklaw ang natutulog na binata. Ngunit si Taji ay nagising sa sakit na dulot ng kagat ni Ulupong kung kaya't nagtatakbo sya papasok sa bukid. Subalit lubhang madilim ang gabi kaya di niya makita ang daan patungo sa bahay ng panginoon. Sa pagdidilim ng kaniyang paningin ay nagawi siya sa kinaroroonan ng palalong (mayabang) anak ng panginoon na kasalukuyang lasing sa alak.
" Tulungan mo ako, Bagdad, kinagat ako ni Ulupong," sumamo ni Taji.
" Aba! Ako ba'y pinagbigyan mo ng ako ay nais mangaso..ito ang para sa iyo," sabay unday ng pamalo sa binata na siyang tuluyang ikinamatay nito.
Sa labis na katusuhan, kinuha ni Bagdad ang kaniyang gamit sa pangangaso at tinungo ang landas sa gubat. Ngunit, tulad ng iniiwasan ni Taji, nagsalubong ang mangangaso at ang Ulupong. Nasawi ni Ulupong ang anak ng panginoon.
"Kailanma'y di nagkamali sa adhikain ang binata, nasawi si Bagdad dahil sa pagsuway sa batas ng kaligtasan na siyang pinatutupad ni Taji sa Hangganan," pahayag ng panginoon.
" At tulad ng aking pangako, ibinabalik ko ang binata sa kaniyang katungkulan na may taglay na kapunuan sa kaniyang kahinaan. Mula ngayun, ang kaniyang sigaw ay hudyat ng pagbabawal at pagbibigay babala," wika ng panginoon.
Iyon lamang at umalis na ang panginoon.
Nang magbukang-liwayway, isang bagong nilalang ang sumulpot sa Hangganan. Ito ay may kaaniya-aniyayang balahibo at maliksing pangangatawan. Higit na mabilis, matalas ang pakiramdam at pang-amoy, at lalong higit ang kaniyang kakayahang makakita sa dilim.
Natuwa ng higit ang panginoon sa pagbabalik ng tagabantay ng Hangganan, at sa tuwing maririnig niya ang kahol nito alam niyang tumutupad ulit ito sa kaniyang tungkulin si Taji, ang matapat na taga-bantay.
WAKAS.
PAGHAHALINTULAD:
Taji
alagang asong matapat (askal man o asong bahay) gaya ni Thyler, actually aso ko rin si Taji at si Baghdad (Bagdad)
Panginoon
amo ng aso, kahit alaga sya ng buong pamilya..iisa ang tinuturing nyang amo.
Hangganan
property boundery (loob at labas ng bahay o bakuran)
Mga hayup at iba pang karakter
mga di welcome sa bahay ng master
ANNOUNCEMENT:
PLEASE LOVE and RESPECT THE FEELINGS of ALL DOGS!
"Paliguan nyo ang aso nyo kasi hindi niya abot ang sabon at tabo, ayaw rin nilang mabaho sila e."